NORTH COTABATO, Philippines – Iginiit ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na hindi sila mag-aalsa laban sa pamahalaan at walang magaganap na karahasan sa Mindanao kahit hindi naisabatas ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ayon kay North Cotabato MILF Spokesperson Jabib Guiabar, ng Local Monitoring Team sa panayam ng DXVL News Radyo ng Bayan, ipina-uubaya na lamang nila ang pagsasabatas ng BBL sa susunod na administrasyon.
Kinumpirma ng opisyal na handa pa rin ang MILF na ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan sa pamahalaan ngunit dapat ay wala nang negosasyon pang mangyayari.
Aniya, napag-usapan na ang mga isyung dapat pag-usapan kaya’t ang tanging responsibilidad na lang ng susunod na administrasyon ay ang pagsasabatas ng BBL.
Dagdag pa nito, maaaring baguhin o palitan ang BBL pero nararapat na kasama sa pagbalangkas nito ang Bangsamoro Transition Commission.
Samantala, sinabi naman ni MILF peace panel chairperson Mohagher Iqbal na walang hinanakit ang MILF kay Pangulong Aquino. Naniniwala aniya sila na ginawa ng pangulo ang kanyang makakaya para maipasa sana ang BBL.
Sabi ni Iqbal ang “lack of quorum” ng mga kongresista sa tuwing isinasalang sa pagdinig ang BBL, ang dapat na sisihin kung bakit matagal na nabinbin ang naturang panukalang batas.