MANILA, Philippines – Napatay ang 33-anyos na negosyante matapos itong ratratin ng dalawang hindi kilalang lalaki sa terminal ng bus sa Barangay Poblacion, bayan ng Rosario, Agusan del Sur kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Alvin Macabidar, tubong Lanao del Norte at may negosyo sa palengke sa nasabing bayan. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, nakatayo ang biktima sa tabi ng kaniyang multicab nang lapitan at pagbabarilin ng dalawang lalaki na naka-bonnet. Lumilitaw pa sa pagsisiyasat ng pulisya, ang biktima ay sumasalungat sa modus operandi ng mga kapwa trader sa palengke na pinaniniwalaang isa sa sinisilip na motibo sa krimen. Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 9mm pistol at cal. 45 pistol.