QUEZON, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng 58-anyos na project engineer at kanyang tauhan makaraang madaganan ng cement mixer sa ginagawang irrigation canal sa Barangay del Valle sa bayan ng San Antonio, Quezon kamakalawa ng hapon.
Sa naantalang ulat na nakarating sa Quezon PNP Provincial Office, nakilala ang mga biktima na sina Engr. Alejandre Nidoy ng Cubao, Quezon City; at Jeffrey Atole ng Barangay del Valle sa nabanggit na bayan.
Ayon kay P/Insp. Marlon Comia, hepe ng San Antonio PNP, paakyat sa kalsada ang minamanehong concrete cement mixer ni Ruben Banayo para ibuhos sa ginagawang proyekto subalit nawalan ng preno.
Tuluy-tuloy na tinumbok ng truck ang kinaroroonan ng dalawang biktima na nagresulta sa pagkadurog ng kanilang katawan kung saan sinalpok din ang nakaparadang motorsiklo.
Nabatid na ang cement mixer truck ay pag-aari ng isang mayor sa Quezon na tumatayong sub-contractor sa proyekto.
Nahaharap ang driver ng truck sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide at damage to property.