NORTH COTABATO, Philippines - Aabot sa P140 milyong halaga ng pananim ang napinsala dahil sa matinding tagtuyot na nararanasan sa iba’t ibang lugar at pagsalakay ng mga pesteng daga sa mga sakahan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Sa pahayag ni Department of Agriculture ARMM Sec. Alexander Alonto, napag-alaman na aabot sa P124 milyong halaga ang nawasak sa pananim na dulot ng tagtuyot habang nasa P16 milyon naman ang halaga ng pananim na sinalanta ng mga pesteng daga. Kabilang sa mga lalawigang na apektado ay ang Maguindanao, Sulu, Tawi Tawi at Basilan habang wala pang ulat sa Lanao del Sur. Base sa ulat, ang 15 bayan sa Maguindanao ang lubos na naapektuhan ng tagtuyot at pagsalakay ng mga daga na umaabot sa P94 milyong halaga ng pananim.