MANILA, Philippines – Sugatan ang 61-anyos na tabloid columnist makaraang saksakin ng kinastigong driver sa naganap na mainitang pagtatalo sa Barangay San Vicente sa San Pedro City, Laguna, ayon sa naantalang ulat kahapon.
Ang biktimang si Tony Calvento, Antonio Alberto Calvento sa tunay na buhay ay dumulog sa pulisya kahapon para ipinagharap ng reklamo ang suspek na si Marcelo Marimon Jr. ng #438 Tuliao Street, Wildcat Village, Taguig City.
Sa ulat ng Laguna PNP na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-6:45 ng gabi noong Sabado sa compound ng bahay ni Calvento sa Chrysanthemum Village sa nasabing barangay.
Lumitaw na tinawag ng biktima ang kasambahay na si Nice Calim para utusan si Marimon na pumusta sa pataya sa on-track betting (OBT) kung saan padabog at nagrereklamo namang sinunod ng suspek.
Gayon pa man, pagbalik ng suspek sa bahay ay nagkainitan sa pagtatalo ang dalawa matapos kastiguhin ng biktima ang nagdadabog pa ring driver.
Dito na bumunot ng patalim ang suspek saka sinugod ng saksak ang biktima subalit naagaw naman nito kaya nasugatan ang daliri sa kaliwang kamay.
Nagpasaklolo naman ang biktima sa kaniyang anak na si Jesus Christopher para tulungan siyang posasan ang suspek.
Nagawa namang itulak ng suspek ang biktima saka mabilis itong tumakas.