MANILA, Philippines – Pito-katao kabilang ang mag-asawa at anak nila ang matay makaraang araruhin ng fuel tanker ang tatlong kabahayan sa Barangay Lale, bayan ng Pinabacdao, Samar, kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga namatay ay sina Michael Buenavides, 20; Maryjoy Buenavides,18; anak na 6-buwang gulang; at si Angela Buenavides Baludo na mga nakatira sa nasabing barangay.
Patay din ang driver ng truck at 2 pahinante na kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan.
Hindi naman nabatid ang bilang ng mga nasugatan sa naganap na insidente.
Sa police report ng Samar Provincial PNP Office, sinasabing nawalan ng preno ang truck kaya nahulog sa kaliwang bahagi ng kalsada saka inararo ang tatlong bahay.
Nabatid na natutulog ang pamilya Buenavides sa kanilang bahay nang maganap ang sakuna.
Sinasabing nagliyab pa ang fuel truck kung saan nadamay ang tatlong kabahayan.