MANILA, Philippines – Umaabot sa 39 katao ang inaresto ng mga awtoridad kaugnay ng kasong pagtutulak at paggamit ng droga sa isinagawang serye ng anti-drug operation ng PNP Oplan Lambat Sibat sa 12 munisipalidad at lungsod ng Bulacan nitong Huwebes hanggang kahapon.
Sa ulat na tinanggap ni Police Regional Office (PRO) 3 Director Rudy Lacadin, bandang alas-5 ng hapon kamakalawa nang simulan ang raid sa mga pinaghihinalaang drug den sa lalawigan.
Nasamsam sa serye ng operasyon ang may 104 plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalias.
Ayon sa opisyal, ang mga suspek ay nasakote mula sa mga bayan ng Baliwag, Bocaue, Bulakan, Bustos, Calumpit, Guiguinto, Marilao, San Ildefonso, Paombong, at San Miguel gayundin sa mga lungsod ng San Jose Del Monte at Meycauayan.
Narekober pa ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana, isang cal. 38 revolver at mga drug paraphernalia.