2 holdaper utas sa shootout
MANILA, Philippines – Dalawang notoryus na bank robbers ang napaslang habang isa namang pulis ang nasugatan sa naganap na holdapan sa isang banko sa bayan ng Sta. Cruz, Laguna kahapon.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Ronnie Montejo, officer-in-charge ng Laguna PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-10:20 ng umaga nang maganap ang panghoholdap sa sangay ng Philippine National Bank (PNB) sa Barangay Poblacion 1 sa nasabing bayan.
Lumilitaw na nagpanggap na mga kustomer ng banko ang anim na suspek kung saan agad dinisarmahan ang guwardiya at inutusan ang teller na ilagay ang pera sa bag.
Gayon pa man, agad na rumesponde ang mga operatiba ng Sta Cruz PNP sa pamumuno ni P/Chief Insp. Jeric Soriano matapos na matanggap ang ulat na may nagaganap na bank robbery.
Habang papatakas ang mga bank robber ay nasabat ng mga operatiba ng pulisya kaya sumiklab ang bakbakan kung saan namatay ang dalawa.
Nagawa namang makatakas ng apat pa sa mga suspek.
Kasaluyan pang inaalam ng mga awtoridad ang halaga ng natangay ng mga holdaper sa nasabing bangko.
Sa follow-up operation, dalawa sa mga suspek ay nasakote dakong alas-10:27 ng umaga sa checkpoint sa Brgy. Nagtalangan sa bayan ng Nagcarlan, Laguna.
Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Pablo Javier, 39, ng Commonwealth, Quezon City; at Gerald Mendoza, 28, ng Cagayan de Oro City.
Nasamsam sa mga suspek ang isang M16 rifle na may anim na magazine, tatlong cal. 45 pistol, granada, bulto ng mga bala ng armas, mga plastic sachet ng shabu at ang Toyota Vios (AAP 9437) metallic na dalandan.
- Latest