SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines – Sinasabing nasa malubhang kalagayan ang bagitong pulis matapos itong barilin ng kanyang nobya dahil sa matinding selos sa naganap na karahasan sa Barangay Paratong, bayan ng Paoay, Ilocos Norte kamakalawa. Napuruhan sa kanang bahagi ng tiyan ang biktimang si PO1 Freddiemar Sacramento ng Solsona PNP sa Ilocos Norte. Naaresto naman ang kasintahan na si Genevieve Labao na kapwa nakatira sa Rosemond Village sa nasabing barangay. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nabatid na nag-away ang magkasintahan dahil sa matinding pagseselos hanggang sa mauwi sa pamamaril ng suspek sa biktima gamit ang cal. 9mm pistol. Naisugod naman sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City ang biktima habang ang suspek ay nasa pangangalaga ngayon ng pulisya.