MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang clan war ang isa sa motibo kaya niratrat at napatay ang 52-anyos na biyuda ng mga hindi kilalang kalalakihan sa Purok 1, Barangay North Poblacion sa bayan ng Maramag, Bukidnon kamakalawa ng gabi. Sa ulat ng Bukidnon PNP na isinumite sa Camp Crame, nag-iisa ang biktimang si Lorgina Cañas sa kanyang bahay nang pasukin at pagbabarilin ng mga armadong lalaki bandang alas-6:30 ng gabi. Ilan sa kapitbahay ang nakaranig na nagmamakaawa ang biktima ay hindi ito pinakinggan at agad na pinagbabaril ang nakaluhod na biyuda. Matapos isakatuparan ang krimen ay mabilis namang nagsitakas ang mga salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal.45 pistol habang patuloy naman ang inbestigasyon.