LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang 35-anyos na misis matapos itong mahagip ng tren habang naglalakad sa tabi ng relis kamakalawa ng hapon sa PNR railroad crossing B.F., Imperial Street sa Barangay 37, Legazpi City, Albay. Sa police report na nakarating sa Camp Simeon Ola, naglalakad sa gilid ng riles ng tren ang biktimang si Vergie Luna na nakasout ng headphone nang makasalubong si kamatayan. Pinaniniwalaang hindi narinig ng biktima ang busina ng tren dahil sa headphone ng kanyang cellphone kaya nahagip ito ng tren. Nakaladkad pa ng ilang metro ang biktima hanggang sa ito ay tumilapon sa harapan ng bahay na nasa gilid ng relis. Nabatid na dadalaw sana sa kanyang kaibigan ang biktimang nakatira sa Barangay San Vicente sa bayan ng Castilla, Sorsogon nang maganap ang sakuna.