TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Umaabot sa P3 milyong halaga ng ari-arian ang nawasak makaraang sunugin ng mga armadong kalalakihan ang mga heavy equipments ng kontratistang utol ng dating alkalde sa kanilang proyektong irigasyon sa Barangay Quimalabasa Sur, bayan ng San Agustin, Isabela kamakalawa ng gabi. ?
Sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. William Agpalza, hepe ng San Agustin PNP, sinasabing pinadapa muna ng mga armado ang mga kawani ng Water Dragon Construction na pag-aari ni Clarita Miranda, utol ni dating Santiago City Mayor Jose “Pempe” Miranda bago binuhusan ng gasolina ang isang bulldozer at dump truck saka ito sinilaban.?
Ayon kay San Agustin Mayor Virgilio Padilla, sinasabing may mga kinakaharap na reklamo ang kontratistang si Miranda sa mga magsasaka na nasagasaan ang kanilang pananim na cassava sa isinasagawa nitong proyekto sa nasabing lugar.?
Hindi pa naman makuha ang panig ni Miranda sa naganap na insidente dahil ito ay tulala pa rin matapos ang nangyaring insidente, ayon kay Agpalza.