CAMARINES NORTE, Philippines - Nalambat ng mga awtoridad ang apat na katao na pinaghihinalaang tulak ng droga sa magkahiwalay na operasyon sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte kamakalawa.
Kinilala ni P/Chief Insp. Elmer Azures Jr. hepe ng pulisya ang mga nahuling suspek matapos na ilatag ang search warrant operation na ipinalabas ni Judge Arniel Dating ng RTC Branch 41-Daet na sina Rosauro “Balatay” Logronio, residente ng Purok 1A, Brgy. 7, Mercedes.
Dakong alas 2:30 ng madaling-araw nang sorpresang salakayin ng mga awtoridad ang bahay ng suspek katuwang ang CIDG, PDEA, PIB at PPSC at nakuha sa kanilang pag-iingat ang walong sachet ng pinaghihinalaang shabu, drug paraphernalias, isang improvised shot gun, isang bala at cell phone. Bandang alas-3:30 ng madaling-araw nang arestuhin naman si Arnel Magadan alyas “Pabo”, 42, at misis na si Susana Magadan, 40, kapwa ng Purok 1A, Brgy. 7. Nakuha sa mag-asawa ang may 13 pirasong sachet ng pinaghihinalaang shabu, drug paraphernalias at cash money na umaabot sa P22,690.
Kasama sa nahuli ng mga awtoridad sa kanilang magkakahiwalay na search warrant operation si Samuel “Kid” Buatis ng Purok 2, Brgy. 7 matapos na makuha sa kanya ang ilang gramo ng shabu.
Ayon kay Azures, si Logronio ay nasa No. 9 municipal drug list habang si Arnel Magadan ay No. 1 sa naturang listahan.