CAVITE, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng anim-katao makaraang sumalpok ang kanilang kotse sa concrete barrier at punungkahoy saka sumabog sa bahagi ng Barangay San Jose, Tagaytay City, Cavite kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na ulat ni P/Supt. Ferdinand Quirante, hepe ng Tagaytay City PNP, naganap ang trahedya dakong alas-2:40 ng madaling-araw sa kahabaan ng Tagaytay-Calamba Road.
Nabatid na tatlong lalaki at tatlong babae ang lulan ng pulang Toyota Vios na may plakang AHA 587 nang biglang sumalpok sa concrete barrier na nasa gilid ng highway.
Nagtuluy-tuloy na sumalpok sa punungkahoy saka biglang nagliyab ang kotse kung saan na-trap ang anim-katao.
Tinangkang tulungan ng ilang opisyal ng barangay ang mga biktima pero biglang sumabog ang kotse kaya hindi na naisalba ang anim.
Isa sa anim na biktima na may identification card ang nakilalang si Ronalyn Bautista, 17, ng Imus City, Cavite.
Ilan sa mga nakasaksi sa trahedya ay nagsabing masyadong mabilis ang kotse na pinaniniwalaang nawalan ng control sa manibela ang driver pagsapit sa kurbadang kalsada habang patuloy naman ang imbestigasyon.
Napag-alamang galing sa Batangas ang mga biktima at patungo sana ng Sta. Rosa City, Laguna nang makasalubong si kamatayan. Dagdag ulat ni Ricky Tulipat