CAMARINES NORTE, Philippines – Umalma na ang mga motorista at mga may-ari ng pribadong sasakyan dahil sa isang buwan nang “offline” o walang transaksyon ang tanggapan ng Land Transportation Office sa bayan ng Daet, lalawigang ito.
Sa panayam kay LTO Chief Zaldy Martinez, sinabi nito na noong Disyembre 15, 2015 ay nasira ang CPU ng server ng computer mula sa kumpanya ng STRADCOM na nag-aayos sa lahat ng computer ng LTO sa bansa. Sinisi dito ang umano’y madalas na pagkasira at ang “on and off” na serbisyo ng kuryente ng Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO).
Bunsod nito, galit na ang mga motorista at sinasabing malaking perwisyo sa kanila ang kawalan ng transaksyon sa LTO Daet kaya’t napipilitan pa silang pumunta sa karatig lalawigan upang makapag-renew ng kanilang lisensya at mga kakailanganing papeles para sa bagong aplikante dahil sa mabagal na aksyon ng STRADCOM.
“Halos 50% ang multa kapag hindi mo agad naiparehistro ang sasakyan, na hindi naman namin kasalanan kundi kasalanan ng LTO,” pahayag ni Doming Tang, isang kilalang negosyante.
Humihingi naman ng paumanhin si Martinez sa mga naapektuhan at patuloy aniya ang kanilang pakikipag-usap sa STRADCOM na nagsabing posibleng sa susunod na linggo ay muling maibabalik ang serbisyo ng LTO Daet.