MANILA, Philippines – Apat na lindol ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong Miyerkules sa Davao Occidental, Eastern Samar at Occidental Mindoro.
Dalawa sa apat ay tumama sa Sarangani, Davao Occidental, ayon sa Phivolcs.
Unang naitala ang magnitude 4.2 na lindol ganap na 5:08 ng umaga at nasundan ito ng kaparehong lakas kaninang 3:48 ng hapon.
Naramdaman ang Intensity II ng ikalawang lindol sa General Santos City.
Ilang minuto lamang ang lumipas ay magnitude 4.8 naman ang yumanig sa Eastern Samar ganap na 3:52 ng hapon.
Naitala ang sentro ng lindol sa 50 kilometro hilaga silangan ng San Policarpio, Eastern Samar.
Samantala, isang magnitude 2.1 na lindol ang unang naitala ng Phivolcs sa Abra De Ilog, Occidental Mindoro ganap na 2:02 ng madaling araw.
Sinabi ng Phivolcs na tectonic ang origin ng lahat ng lindol.
Wala ring naitalang aftershocks at pinsala ang paggalaw ng lupa sa magkakaibang lugar.