TUGUEGARAO CITY, Philippines – Nauwi sa trahedya ang masaya sanang piknik ng pamilya nang matangay ng malakas na alon at malunod ang isang 4-anyos na batang lalaki sa Barangay Remus, Baggao, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ni Chief Inspector Romar Pacis, hepe ng Baggao PNP ang biktima na si Christian Aguilon na nagdaos lamang ng kanyang kaarawan noong nakaraang buwan.?
Lumalabas sa imbestigasyon na naghubad ang paslit at nagtungo sa Paranan river upang magtampisaw na kung saan ay abala sa pagpapakain ang kanyang ina sa mga kaanak.
Huli na nang mapansin ng ina na si Charmae Aguilon na nawawala ang anak sa kanilang pagtitipon kaya’t hinanap nila ito at natagpuan ang bangkay nito na may layong isang kilometro mula sa pinagdadausan nila ng piknik.