BULACAN, Philippines – Kalaboso ang limang katao na sinasabing nagpapakalat at nagbebenta ng shabu matapos na magsagawa ng panibagong operasyon ang pulisya sa mga bayan ng Balagtas, Malolos City at Pandi, Bulacan kahapon.
Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng mga suspek na sina Jose “Jojo” Soliman, 18, ng Northville 3, Brgy. Bayugo, Meycauayan City; Richard Gandollas, 28; Anthony Dionisio, 31; Melvic Castillo, 23, pawang sa Brgy. Bulihan, Malolos City at Annabelle Baltazar, 27, ng Brgy. Malibong Bata, Pandi.
Base sa ulat, dakong alas-8:20 ng gabi unang isinagawa ang drug bust operation ng mga tauhan ni P/CInsp.Voltaire Rivera, hepe ng Balagtas Police laban sa isang alyas Jojo na nagresulta sa pagkakaaresto nito at nakarekober ng 11 pakete ng shabu sa bisinidad ng Intercity Industrial Estate sa Brgy. San Juan, Balagtas.
Sumunod na naaresto sina Gandollas, Dionisio at Castillo sa operasyon sa Brgy. Bulihan, Malolos City na nagresulta sa pagkakarekober ng apat na pakete ng shabu, dalawang sumpak ng baril na may 4 na bala ng 12 gauge shotgun at isang video karera machine sa loob ng bahay ni Gandollas.
Samantala, isang pakete ng shabu at drug paraphernalias ang narekober sa loob ng bahay ni Baltazar sa Brgy. Malibong Bata, Pandi at naaktuhang bumabatak ng naturang droga sa harap ng kanyang mga anak.