CAVITE, Philippines – Patay ang isang security guard habang kritikal ang backrider nitong lady guard matapos na sumalpok sa isang closed van ang sinasakyan nilang motorsiklo habang bumabagtas sa kahabaan ng Governors Drive, Brgy. Mabuhay, Carmona, Cavite kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan si Tercito Respicio, 40, may-asawa ng Blk 3, Lot 58, St. Joseph Village, Cabuyao, Laguna, habang nilalapatan ng lunas ang backrider nito na si Sherry Ann Capacio , 37, ng Oregano St., Brgy. Maduya, Carmona, Cavite, kapwa security guard ng Concepcion Medea Corporation sa Welbourne Industrial Park Brgy., Bancal Carmona sa ilalim ng MEGA VPS Security Agency Inc.
Sa ulat ni PO2 Gilbert Centeno, dakong alas-7:35 ng gabi habang magkaangkas na binabagtas ng dalawang biktima lulan ng pulang motorsiklo na Honda Wave 100 (3944 DK) nang biglang makasalubong ang Fuso Fighter aluminum wing close van truck (RMJ 479) na minamaneho ni Alfonso Flores II, may-asawa, ng Blk. 34, Lot 33, Ph 3, Southville 5-A, Brgy. Langkiwa, Binan, Laguna.
Nag-menor umano ang nasabing van upang pumasok sa isang gasolinahan subalit sa bilis ng patakbo ng kasalubong na motorsiklo lulan ang mga biktima ay inokupa pa umano nito ang outer lane ng kalsada hanggang sa sumalpok ito sa kanang bahagi ng van.
Sa lakas ng bangga, wasak ang motorsiklo at tumilapon ang dalawa sa kalsada.