MANILA, Philippines – Dalawang adik sa shabu na lalaki ang nasawi matapos manlaban sa mga awtoridad sa magkahiwalay na insidente sa bayan ng Banga at Lake Sebu sa South Cotabato.
Nakilala ang unang biktimang si Rey De Juan, 36, ng Banga, na napatay nang paputukan ang mga pulis na aaresto sa kaniya.
Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, sabog sa shabu si De Juan nang pasukin ang farm ni Jun Castillo upang magnakaw ng mga saging.
Iniulat ni Castillo ang insidente na kaaagad nirespondehan ng mga pulis.
Mapayapa sanang aarestuhin ng mga awtoridad si De Juan ngunit nagpaputok siya gamit ang isang handgun.
Samantala, sabog din sa shabu ang suspek ang magsasakang si Marcos Calipay nang gawing hostage ang kaniyang pamilya matapos silang magkasagutan ng kaniyang misis.
Pinagbantaan ng 31-anyos na si Calipay ang pamilya na papatayin niya kung may magtatangkang tumakas.
Nakumbinsi naman ng mga awtoridad si Calipay na sumuko at pakawalan ang mga hostage ngunit nang poposasan na ay biglang tinaga niya si PO3 Joven Lilla.
Kaagad naman pinagbabaril ni Lilla si Calipay na ikinasawi ng suspek.
Nagtamo ng sugat sa ulo at braso si Lilla na isinugod sa ospital upang gamutin.