NORTH COTABATO, Philippines - Tatlong miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang napatay sa panibagong sagupaan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Kidama, bayan ng Matalam, North Cotabato noong Miyerkules.
Kinilala ni P/Chief Insp. Sunny Leoncito, hepe ng Matalam PNP ang mga biktima na sina Badrodin Ingkig, 27; Taya Akmad, 60; at isang 35-anyos na kinilala lang sa pangalan Marcial.
Sumiklab ang tensiyon ng pamilya Mangadta ng MNLF at pamilya Ambalatan ng MILF na nagresulta sa madugong bakbakan.
Nag-ugat ang bakbakan sa land conflict ng dalawang angkang naglalaban-laban.
Sinunog din ng MILF ang anim na bahay nina Macapagal Mangadta, Tautin Lamalan, Totin Ladsugan, Kamid Ingkid, Sittie Ladsigan at isang Allan sa Purok 5, Barangay Kidama sa nasabing bayan.
Aabot naman sa 192 pamilya ang nagsilikas at pansamantalang nanunuluyan sa Barangay Hall ng Marbel.
Ayon kay SPO2 Froilan Gravidez ng Matalam PNP, agad na nagsagawa ng diyalogo ang pamunuan ng Matalam PNP, militar, mga barangay opisyal, at ibang opisyal upang pahupain ang gulo.