2 rumatrat sa ABS-CBN news team, kinilala

MANILA, Philippines – Kinasuhan na ng pulisya ang dalawang suspek na natukoy sa pananambang sa news team ng ABS-CBN noong nakalipas na linggo sa Marawi City.

Sa pahayag ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Wilben Mayor, positibong itinuro ng mga testigo ang dalawang suspek na sina Yusop Sangcad at Nasser Masurong na kapwa nakatira sa Barangay Lilod Madaya sa nasabing lungsod.

Base sa tala ng pulisya, tinambangan ng mga suspek na lulan ng motorsiklo ang sasakyan ng ABS-CBN news team na sina Ronnie Enderes, reporter; Emilito Balansag, cameraman; at ang driver na si Garry Montecillo.

Nabatid na nagtungo sa Marawi City ang mga biktima para mag-follow-up ng balita kaugnay sa pambobomba sa steel power relay pylon ng National Grid Corporation sa bayan ng Ramain, Lanao del Sur nang tambangan ng mga suspek sa Marawi City.

Nakaligtas naman ang ABS-CBN news team pero na-trauma ang mga ito at nagtamo rin ng tama ng bala ng cal. 45 pistol ang kanilang sasakyan.

 

Show comments