LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Napatay ang isang opisyal ng pulisya makaraang barilin ng sniper habang nagsusuperbisa sa PNP checkpoint sa kahabaan ng highway sa Sitio Pinagbadilan, Barangay Bugasa, bayan ng Libon, Albay kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Marlo Meneses, director ng Albay PNP na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang opisyal na si P/Senior Inspector Joerem Kallos, deputy chief of police sa nasabing bayan.
Lumilitaw na abala sa pagsusuperbisa sa inilatag na checkpoint ang nasabing opisyal bilang suporta sa manhunt operation sa isinilbing warrant of arrest laban sa notoryus na high profile crime na si Gilbert Concepcion nang barilin ng sniper kung saan nasapul ito sa likurang bahagi ng katawan.
Si Concepcion na dating Army personnel at lider ng mga hired killer ang pangunahing suspek na pumaslang kay Nelson Morales, dating city engineer ng Makati City noong panahong si Vice President Jejomar Binay pa ang alkalde.
Nabigo naman ang team ng pulisya sa pamumuno ni P/Chief Insp. Rodel Pescuela na maaresto ang lider ng gang matapos silang salubungin ng pagpapaputok ng grupo hanggang sa makatakas ang mga ito.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan sa Ligao City ang biktima pero idineklarang patay.