CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines – Hindi na umabot sa bisperas ng Pasko ang isang bagitong pulis na umano’y “carnapper” matapos umanong makipagbarilan sa mga CDC security personnel sa parking lot ng isang kilalang mall sa Clark nitong Huwebes ng hapon.
Sa report kay P/Chief Supt. Rudy Lacadin, regional director, kinilala ang suspek na si PO1 Jomar Binuya Batul, nakatalaga sa Provincial Public Safety Company, Oriental Mindoro Police at residente ng Josefa Street, Caloocan City.
Sa imbestigasyon, dakong alas-3:00 ng hapon nang mamataan ng CDC security personnel ang suspek na tinangay ang naka-park na isang single motorcycle sa parking lot ng isang kilalang fast food chain ng mall kung kaya’t nagkaroon ng sandaling habulan. Nakorner ang suspek hanggang sa magpaputok at gumanti ang mga security personnel ng mall.
Bulagta ang naturang parak dahil sa tinamong tatlong tama ng bala sa kanyang ulo sanhi upang mamatay agad sa lugar.
Dahil sa posibleng pagkakaroon ng foul play sa insidente, iniutos ni Gen. Lacadin sa Angeles at Mabalacat Police na magsagawa ng parallel investigation sa insidente. Sisiyasatin kung nasunod ba ng mga CDC personnel ang standard operating procedures, rules of engagement at kung nag-warning shot muna bago sila nakipagbarilan sa napatay na pulis.
Nabatid na nakabakasyon lamang umano ang pulis upang makasama ang kanyang pamilya na nakatira sa lungsod ng Angeles. Nakapagtataka rin umano dahil napakalayo ng Pampanga kung ang layunin ng pulis ay dito pa magnakaw ng motorsiklo. Tila kahanga-hanga rin umano ang galing sa pag-asinta ng baril ng mga guwardya dahil puro sa ulo ang tama ng biktima.
Kapag lumabas sa imbestigasyon na “rubout” at hindi “shootout” ang pangyayari, tiniyak ni Lacadin na sasampahan nila ng kaukulang kaso ang mga responsable sa pagpatay sa nasabing pulis.
“Witnesses told investigators that Batul was on foot fleeing away from the burger shop when spotted by responding CDC security personnel,” ayon sa opisyal.