MANILA, Philippines – Limang notoryus na kidnaper ang nasakote habang nailigtas naman ang dinukot na Chinese sa isinagawang rescue operations sa Matnog Ferry Terminal sa bayan ng Matnog, Sorsogon, noong Martes ng hapon.
Kinilala ni PNP Anti–Kidnapping Group Director P/Senior Supt. Roberto Fajardo, ang mga suspek na sina Marlon Altizo, Jemmel Cinco, Rolly Falcon, Drackilou Falcon, at si Abigail Lapinid na pawang nakasakay sa Mitsubishi Adventure na may plakang ABD6572.
Nailigtas naman sa operasyon ang dinukot na biktimang si Giovanni Rossano Tan.
Nasamsam sa mga suspek ang isang baby Armalite rifle, M16 rifle, KG 9 machine pistol, cal.45 pistol, cal.9mm pistol, mga bala, isang unit ng two-way radio, isang piraso ng plate number (ALA 8869) at ang sasakyang ginamit.
Nabatid na si Tan na may-ari ng Tarlac Sentra Piggery Farm sa Tarlac City ay dinukot noong Disyembre 10, 2015.
Bago nasakote ang mga suspek ay namataan ng PNP-AKG operatives ang nasabing Mitsubishi Adventure sa CCTV camera habang bumibiyahe sa Agusan del Norte patungong Samar –Manila via Matnog, Sorsogon.
Samantala, pinalaya naman ng mga kidnaper kamakalawa ang isa pang biktima na si Michelle Ng matapos na magbayad ng inisyal na ransom demand ang pamilya nito sa pamamagitan ng Smart padala.
Si Ng ay dinukot ng KFR gang sa Barangay Doña Imelda, Quezon City noong Disyembre 17, 2015 kung saan nasakote ang isa sa mga suspek na si Maribel Bucala.
Sa tala ng PNP-AKG, umaabot sa 37 kaso ng kidnapping ang nairekord ng PNP-AKG kumpara sa 50 insidente noong 2014 at 52 namang kaso noong 2013.