Nag-amok dedo sa pulis

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Bulagta ang isang lalaking nag-amok matapos itong barilin ng pulis sa Sitio Puro, Barangay Sta. Cruz Quipayo sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Naisugod naman sa Bicol Medical Center ang nag-amok na si Elino Chavez subalit namatay din. Sumuko naman sa kanyang opisyal ang nakabaril sa biktima na si PO1 Reydio Santayana ng Calabanga PNP. Samantala, sugatan naman ang tinaga sa kamay na si Hadjie Dicen. Bandang alas-2:15 ng hapon nang mag-amok si Chavez at tagain sa kamay si Dicen. Kahit sugatan si Decin ay nakatakbo ito at humingi ng saklolo kay PO1 Santayana. Pinasusuko naman si Chavez subalit patuloy sa pagwawala kung saan tinangkang tagain si PO1 Santayana kaya naganap ang pamamaril.

Show comments