Dalagita dinukot, ni-rape ng ex-PO1

MANILA, Philippines – Kalaboso ang 41-anyos na biyudo na dating pulis habang nasagip naman ang 15-anyos na dalagitang dinukot nito saka ilang ulit na hinalay sa isinagawang rescue operation sa Barangay Tara, bayan ng Sipocot, Camarines Sur kamakalawa.

Sa ulat na tinanggap kahapon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, kinilala ang suspek na  si ex-PO1 Henry Quinones, alyas Renato Suarez ng Basud, Camarines Norte at dating nakatalaga sa PNP-Special Action Force na nag-absence without official leave (AWOL) simula pa noong 2010.

Nabatid na may warrant of arrest din ang suspek sa kasong murder sa bayan ng Daet, Camarines Norte.

Nailigtas naman ang biktima na itinago naman sa pangalang Michelle na halos nasa state of shock.

Base sa report ni P/Senior Supt. Marlon Tejada, regional CIDG director, bandang alas-7:55 ng umaga nang masakote ang suspek sa inilatag na rescue operation.

Isinagawa ang operasyon base sa reklamo ni Mariano Gongora na dumulog sa pulisya upang humingi ng tulong laban sa suspek.

Sa inihaing reklamo ni Gongora, dinukot ng suspek ang kaniyang dalagitang anak saka pinagsamantalahan.

Nasamsam sa suspek ang cal. 45 pistol at PNP ID.

Show comments