2 akyat-bahay bulagta sa shootout

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang napatay sa bakbakan laban sa mga operatiba ng pulisya sa bahagi ng Meralco Village sa Brgy. Lias, bayan ng Marilao, Bulacan kahapon ng madaling araw. Boy Cruz

BULACAN, Philippines – Napatay ang dalawa sa tatlong mi­yembro ng Akyat-Bahay Gang matapos na maki­pagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bisinidad ng Barangay Lias, bayan ng Marilao, Bulacan kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang bineberipika ang pagkakaki­lanlan ng dalawa na mga naka-pocket short, asul na t-shirt ang isa habang kulay itim naman ang isa pa na kapwa tadtad ng tattoo sa katawan.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Lailene Amparo, naghahanda ang isang pamilya sa simbang gabi nang napansin nila ang kakaibang tahol ng ala­gang aso at nang usisain ay napansin ang tatlong kalalakihan na umaaligid sa kanilang bahay.

Kaagad na itinawag sa mga barangay tanod kung saan ipinaabot naman sa himpilan ng pulisya ang nakaambang nakawan.

Nang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya ay sumiklab ang bakbakan sa bahagi ng Lamp Street sa Meralco Village at napatay ang dalawa habang nakatakas naman ang isang kasamahan.

Narekober ang isang cal. 38 revolver, mga bala at 3-plastic sachet ng shabu sa mga bulsa ng dalawa.

Wala namang nasu­ga­tan sa mga pulis na rumes­pondeng sina PO2 Marvin Mijares, P03 Bayani Diaz, PO2 Marcelo Galsim Jr., at si PO3 Enrique Areja.

Show comments