BATANGAS, Philippines – Napaslang ang 47-anyos na sarhento ng Philippine Air Force sergeant makaraang makipagbarilan sa mga rebeldeng New People’s Army na sumalakay sa PAF detachment sa Barangay Calayo sa bayan ng Nasugbu, Batangas noong Sabado ng hapon.
Sa ulat na nakarating kay S/Supt. Arcadio Ronquillo, Batangas PNP director, sinalakay ng mga rebelde ang detachment ng 730th Combat Group ng PAF 710th Special Operations Wing kung saan sumiklab ang bakbakan.
Sa kasagsagan ng bakbakan ay tinamaan at napatay ang biktimang si S/Sergeant Armando Silvestre.
Umatras naman ang mga rebelde makalipas ang ilang minutong bakbakan.
Ang pagsalakay ng mga rebelde ay itinaon bago magsimula ang 12-araw na unilateral ceasefire na idineklara ng Communist Party of the Philippines (CPP) na magsisimula sa Disyembre 23 hanggang Enero 3, 2016.
Noong Biyernes, nagdeklara naman ang pamahalaan ng 12-day unilateral ceasefire sa kahalintulad din petsa.