MANILA, Philippines – Umabot na sa 15 bandidong Abu Sayyaf Group at tatlong sundalo ang namatay habang 33 naman ang nasugatan sa naganap na bakbakan sa kagubatan ng Barangay Macalang sa bayan ng Al Barka, Basilan noong Martes.
Sa ulat ni Major Felimon Tan, spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, 13 sundalo rin ang nasugatan sa nasabing engkuwentro habang aabot naman sa 20 ang sugatan sa mga kalaban.
Nabatid sa opisyal na umpisa pa noong Linggo ay ginalugad na ng tropa ng militar ang kagubatan ng Basilan alinsunod sa malawakang opensiba upang durugin ang nalalabi pang mga bandido.
Habang ginagalugad ng militar ang kagubatan ay natisod ang isang kampo ng mga bandido na nauwi sa umaatikabong bakbakan.
Tumagal ng isang araw ang sagupaan ng militar laban sa mga bandido na nag-umpisa ang girian dakong alas-5 ng umaga.
Napag-alamang namumugad sa Sulu at Basilan ang mga bandido na sangkot sa paghahasik ng terorismo sa Western Mindanao tulad ng pambobomba, ambushcades, kidnapping for ransom at pamumugot ng mga bihag.
Nagpapatuloy naman ang opensiba ng militar laban sa mga bandidong nagpulasan patungo sa iba’t ibang bahagi Basilan.