MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ng multi sectoral groups ang mga kandidato sa 2016 election at maging ang pamahalaan na kumilos na at gumawa ng kaukulang aksiyon para maibsan ang epekto ng climate change.
Ito ay ginawa ng multi sectoral organization mula sa ibat-ibang panig ng bansa kasabay ng pagpapakita sa media ng 10 milyong lagda para sa kapaligiran.
Inilunsad din ng grupo ang sama samang panawagan sa pamahalaan at mga kandidato na pagtagumpayan ang pangangalaga at proteksiyon gayundin ng preserbasyon ng kapaligiran at kalikasan kasabay ng mga pag uusap kahapon hinggil sa climate change sa Paris, France.
Kahapon ay naipakita sa media ni Ms. Gina Lopez, Chairperson ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. (ALKFI) ang mga lagda na nakuha bilang pagsuporta sa ‘ Save Palawan Movement’s No To Mining campaign’ at sa ‘Bantay Kalikasan’s Yes to Agriculture at Ecotourism campaign’ sa isang press conference sa Quezon City Circle na dinaluhan ng mga representatives ng may 800 iba pang pro-environment at climate justice groups sa Pilipinas.
Muli sinabi ni Lopez ang epekto ng minahan sa pagbagsak ng kabuhayan ng mamamayan.
Batay sa pag -aaral ng mga natural at social scientists mula sa Palawan State University, Bicol University, at Mindoro State University na ang mga mining communities ay nawawalan ng mahigit sa P2 bilyon at higit pa dahil sa economic costs ng pagmimina.
Anya, ang Pilipinas ang world’s 3rd most vulnerable nation na apektado ng climate change at maiibsan lamang ang epekto nito kung tututok ang pamahalaan sa ecotourism at agriculture tulad sa Pilipinas na mayaman sa likas na yaman at biodiversity.