MANILA, Philippines – Kasado na ang isasampang kaso laban sa mga natukoy ng National Bureau of Investigation-Special Task Force kaugnay sa ‘tanim laglag bala’ o TALABA scam na naging kontrobersiyal na isyu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inihayag ito kahapon ni NBI Director Virgilio Mendez, sa ginanap na opening ceremonies ng 3 araw na Conference-Workshop on Transnational Crime Investigation and International Law Enforcement Cooperation na ginaganap sa Pan Pacific Hotel, sa Malate, Maynila.
Ani Mendez, kumpleto na ang imbestigasyon at naisumite na kamakalawa ng hapon sa Department of Justice (DOJ) bagamat hindi naman idinetalye ang nilalaman ng report hinggil sa TALABA scam probe. Gayunman, kinumpirma niya na kabilang sa naging rekomendasyon ang paghahain ng kaso laban sa mga indibidwal sa nasabing tanim-bala scheme na naglagay sa hindi magandang impresyon sa nasabing paliparan.
Nasa walo katao o complainants na pawang pasahero ang humingi ng tulong sa NBI hinggil sa pinaniniwalaan nilang biktima lamang sila ng extortion at tinaniman lamang ng bala.