MANILA, Philippines – Sinibak na sa serbisyo ang 21 pulis habang 11 naman ang sinuspinde, 21 ang pinawalang sala habang iniatras din ang reklamo laban sa siyam na iba pa dahil sa kawalan ng ebidensya kaugnay sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Wilben Mayor, batay sa ibinabang desisyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa ipinadalang resulta ng imbestigasyon kay PNP Chief P/Director General Ricardo Marquez.
Sa 23-pahinang desisyon ng NAPOLCOM na may petsang Nobyembre 24, 2015 na nilagdaan ng Commission en banc na pinamumunuan ni Interior and Local Government Secretary at NAPOLCOM Chairman Mel Senen Sarmiento, niresolba na ang kasong administratibo laban sa 62 police officers na nakatalaga sa iba’t-ibang unit ng Police Regional Office–Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Eduardo Escueta, napatunayan na may sapat na ebidensya sa pagpatay sa 57 biktima ng massacre na naganap sa Sitio Malating, Brgy. Salman sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 laban sa isa sa mastermind na si dating Datu Unsay Mayor Datu Andal Ampatuan Jr.
Sa 21 respondents na pinatawan ng pagkakadismis sa serbisyo, 20 sa mga ito ay guilty sa kasong grave misconduct habang ang isa pa ay guilty naman sa serious neglect of duty and less grave neglect of duty.
Ang 20 pulis ay pinanagot kaugnay ng pananahihimik at pakikipagsabwatan sa maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan sa malagim na Maguindanao massacre na gumimbal hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo.