MANILA, Philippines – Tatlong miyembro ng robbery/holdup, carnapping gang ang napaslang makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bisinidad ng Barangay Palusapis sa Muñoz City, Nueva Ecija kamakalawa.
Isa sa tatlong napatay ay nakilalang si Lazaro Reyes III, 20, ng Purok 2, Brgy. Malapit sa bayan ng San Isidro, Nueva Ecija habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Rudy Lacadin na isinumite sa Camp Crame na nagsagawa ng follow-up operations ang mga operatiba ng pulisya kaugnay sa ninakaw na motorsiklo sa nasabing barangay nang mamataan ang nawawalang motorsiklo na nag-match sa kanilang hinahanap.
Kaagad na pinahinto ng mga pulis ang tatlong sakay ng motorsiklo upang isailalim sa inspeksyon pero sa halip na sumuko ay agad pinaputukan ang mga awtoridad.
Nauwi sa palitan ng putok kung saan sa kasagsagan ng palitan ng putukan ay isa-isang bumulagta ang tatlo.
Narekober sa tatlo ang cal. 9mm pistol, itim na sling bag na may mga susi, set ng mga silver na hikaw, asul na wallet, mga IDs, cal. 38 revolver, dalawang cellphone, relos, silver na kuwintas, silver na singsing, itim na holster, itim na bonnet, tatlong plastic sachet ng shabu, cal. 45 pistol, Granada at iba pang gamit.