Lolo pinabulagta sa inuman

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Napatay ang 60-anyos na lolo matapos itong pagbabarilin ng kanyang kainumang magsasaka na sinasabing inakusahang wanted sa batas sa naganap na karahasan sa birthday party sa Barangay Sta. Margarita, bayan ng Baggao, Cagayan kamakalawa. Kinilala ni P/Chief Insp. Romar Pacis, hepe ng PNP Baggao ang napatay na si Mario Dumayag habang naaresto naman sa follow-up operation ang 53-anyos na suspek na si Joven Taguiam. Nag-ugat ang pagtatalo ng dalawa matapos akusahan ng biktima na wanted sa batas ang suspek. Nairita ang suspek kaya pinutukan nito ang ulo ng biktima kung saan nagsitakbuhan naman ang mga bisita sa handaan sa takot na madamay. Nakatakdang kasuhan ng pulisya si Taguiam habang inaalam pa ang sinasabing iba pang kasong krimen na isinasangkot sa suspek.

Show comments