Holdaper patay sa shootout

MANILA, Philippines – Isa sa apat na holdaper ang napatay  habang nakatakas naman ang mga kasamahang nasugatan makaraang makasagupa ang mga operatiba ng pulisya sa Barangay Poblacion sa bayan ng Kalawit, Zamboanga del Norte noong Martes ng gabi. Sa ulat ni P/Chief Insp. Rogelio Alabata, PNP regional spokesman, bandang alas-7:15 ng gabi, sumiklab ang shootout sa tapat ng Philippine Carabao Center. Kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan ng napatay na holdaper habang patuloy ang pagtugis sa apat pa nitong kasamahan na sugatang nakatakas.

Lumilitaw na bago ang shootout ay hinoldap ng mga suspek ang JJ Store Copra Buyer na pag-aari ni John Canya sa Barangay Patwang, Labason saka tumakas tangay ang P.2 milyong cash.

Tinangay din ng mga holdaper ang ilang cellphone at dalawang motorsiklo na ginamit na getaway vehicle patungo sa direksyon ng Kalawit-Tampilisan sa Zamboanga del Norte.

Rumesponde naman ang mga operatiba ng pulisya at nakasagupa ang mga holdaper na tumangging sumuko sa inilatag na checkpoint kung saan napatay ang isa sa mga holdaper habang wala namang nasugatan sa panig ng pulisya.

Show comments