Cavite, Philippines – Patay ang isang mister matapos na makipagduwelo sa kanyang kapitbahay na lalaki na umano’y nang-agaw ng kanyang asawa matapos silang magduwelo dahil sa matinding galit at selos sa Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Joseph Arguelles, hepe ng pulisya, ang nasawi na si Juli Latigay, 41, construction worker, ng Blk 4, Lot 7, Zone 11, Bautista Prop, habang kritikal sa pagamutan ang kapitbahay nitong si Brazil Claridad, 39, ng Blk 6, Lot 22, Zone 11, Bautista, pawang sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ni PO3 Armando Perez, dakong alas-10:30 ng gabi nang magkita at magpang-abot sina Latigay at Claridad.
Si Claridad ang umano’y bagong kinakasama ng misis ni Latigay na tumira pa malapit sa kanilang bahay. Nakipaghiwalay umano ang babae sa kanyang mister na si Latigay at sumama kay Claridad.
Dahil sa hindi matanggap ni Latigay na iniwan at ipinagpalit siya ng misis nito sa kanyang kapitbahay, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nito at karibal na nauwi sa suntukan hanggang sa magduwelo at maglabas ng kanya-kanyang patalim.
Kapwa nagtamo ng mga saksak ang dalawa subalit mas napuruhan si Latigay sa dibdib na tumagos sa kanyang puso. Kapwa sila isinugod sa pagamutan subalit hindi na umabot pang buhay si Latigay habang inoobserbahan si Claridad dahil sa tinamong ilang saksak sa katawan.