BULACAN, Philippines - Napaslang ang isa sa pangunahing gunman sa pagpatay sa isang judge matapos itong mang-agaw ng baril ng kanyang escort na pulis sa loob ng patrol car habang bumabagtas sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay San Pablo, Malolos City, Bulacan kahapon ng umaga.
Kinilala ang napatay na si Arnel Janoras, 43, tubong Sorsogon at nakatira sa Dela Cuesta 3, Barangay Graceville sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Sa ulat ni P/Supt. Arwin Tadeo ng Malolos City PNP, ihahatid sana ng tatlong police escort si Janoras sa San Jose Del Monte City prosecutors office para sa inquest proceeding sa kasong illegal posession of firearm and ammunition nang mang-agaw ito ng baril sa loob ng PNP patrol car na may plakang SHY 964.
Nabatid na si Janoras ay unang dinala sa fiscal’s office sa Malolos City para sa inquest proceeding sa kasong murder kaugnay sa pagpatay kay dating Judge Wilfredo Nieves sa Barangay Tikya sa nasabing lungsod.
Base sa police report, si Janoras ay nasakote sa kanyang bahay sa Brgy. Graceville Biyernes ng hapon habang gumagawa ng improvised silencer sa cal.45 pistol.
Si Janoras din ang pangunahing suspek sa bigong pagpatay kay San Jose Del Monte City Fiscal Antonio Buan noong Marso 23, 2015 sa bayan ng San Miguel.
Tumanggi naman magbigay ng komento ang mga opisyal ng PNP sa Bulacan kaugnay sa pagkakapatay kay Janoras na sinasabing nakaposas sa loob ng PNP patrol car nang mang-agaw ng baril sa police escort.