MANILA, Philippines – Limang miyembro ng Bais City Security Group ang napaslang habang apat naman ang nasugatan sa naganap na shootout sa compound ng Department of Environment and Natural Resources sa bayan ng Mabinay, Negros Oriental noong Miyerkules ng hapon.
Kabilang sa mga na-patay ay sina Cedric Regino, Angel Torres, Grasing Embalsado, Renato Torres, at si Feliciano Candido.
Sugatan namang sina PO1 Reyden Cadiz, PO1 Jemrey Montesa, PO1 Rodelo Jaluag na mga miyembro ng Regional Public Safety Battalion 7 na nakabase sa Bais City; at ang sibilyang si Rolando Candido.
Arestado naman ang tatlong suspek na sina Richard Royo, Junjun Gutib, at si Ricky Sohot.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang shootout sa pagitan ng RPSB personnel sa pamumuno ni P/Insp. Lowelyn Reyes at grupo ng Bais City Security Group na pinamumunuan naman ni Feliciano.
Lumilitaw na rumes-ponde ang pangkat ni Reyes matapos makatanggap ng tawag kay Dionesia Trongcoso, DENR station manager kaugnay sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa kanilang compound.
Nabatid na sumugod ang grupo ni Feliciano sa compound ng DENR upang kunin ang chainsaw na sinasabing kinumpiska ng mga forest guard dahil sa illegal logging sa Mabinay Reforestration Project.
Gayon pa man, sinita naman ang grupo ni Feliciano matapos na mapansin na may nakasukbit nabaril sa mga baywang pero agad na pinaputukan ang grupo ng mga pulis na nauwi sa shootout habang patuloy naman ang imbestigasyon kaugnay sa naganap na barilan.