MANILA, Philippines – Doble kamalasan ang sinapit ng magkalaguyo matapos na maaktuhan sa kanilang kataksilan sa loob ng motel ay masamsaman pa ng illegal na droga sa bayan ng Maramag, Bukidnon kamakalawa. Kinilala ang mga suspek na sina Bryan Langamin, 29; at Shiela May Pasco, 28, mga residente ng Purok 2, Don Carlos, Bukidnon. Sa ulat ng Bukidnon PNP na isinumite sa Camp Crame, dakong alas-11:30 ng gabi nang masakote ang magkalaguyo sa lodging house sa Purok 7, South Poblacion. Ang magkalaguyo ay nasakote matapos namang ireklamo ng legal na asawa ni Langamin kung saan na tiniktikan at nakita umano niyang pumasok sa motel kasama ang kerida nito. Rumesponde naman ang pulisya at nasakote ang magkalaguyo sa loob ng kuwarto kung saan nakita sa ibabaw ng kama ang mga illegal na drug paraphernalia at dalawang plastic sachet ng shabu.