Minahan pinatitigil ni Governor Ebdane
IBA, Zambales, Philippines – Pinatitigil ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane ang mga minahan sa bayan ng Sta. Cruz dahil sa sinasabing nagdudulot ng matinding pagbaha sa siyam na barangay sa nasabing bayan noong kasagsagan ng bagyong Lando.
Ang pagdinig na ginanap sa Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ng mga Committee on Environment at Committee on Legal Matters, sinabi ni Ebdane na mas maiging ipatigil muna ang lahat ng pagmimina at imbitahan lahat ng stakeholders upang bumuo ng programa kung paano magkakaroon ng mas maayos na pangangasiwa sa mga minahan.
Sa nasabing hearing, inirekomenda ng gobernador na bumuo ng technical working committee para imbestigahan ang mga mining operations at magrekomenda ng mga solusyong pangmatagalan upang matugunan ang mga reklamo ng taumbayan.
Ayon sa mga geologist mula sa University of the Philippines–National Institute of Geological Sciences, at si Board member Renato H. Collado, chairman ng Committee on Legal Matters, lumalabas na ang mga mining operations sa bayan ng Sta. Cruz ang pangunahing nagpalubha sa epekto ng bagyong Lando.
Ang hearing ay dinaluhan ng mga opisyal ng mga barangay ng Sta. Cruz; kinatawan ng Concerned Citizens of Sta. Cruz gayundin ng mga ahensya ng MGB, Environmental Management Bureau, PAGASA, Dept. of Public Works and Highways, Dept. of Interior and Local Government, National Irrigation Administration (NIA), at ng Philippine National Police.
Hiniling naman ni Gob. Ebdane bigyan siya ng regulatory powers kung saan sinang-ayunan naman ng ilang opisyal kabilang na si MGB Region 3 Director Lope Cariño.
- Latest