P2-M reward sa pinaslang na hukom

 Sinisiyasat ng rumespondeng mga kagawad ng SOCO ang walang buhay na katawan ni Judge Wilfredo Nieves matapos siyang tambangan sa Brgy. Tikay, Malolos City, Bulacan kamakalawa .

MANILA, Philippines – Nag-alok na kahapon ng P2 milyong pabuya ang mga awtoridad para sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng dalawang armadong lalaki na nasa likod ng pananambang at pamamaslang kay Judge Wilfredo Nieves sa kahabaan ng MacArthur highway, Malolos City, Bulacan nitong Miyerkules.

 Sa ulat ni Supt. Arwin Tadeo, hepe ng Malolos City Police, ang P1.5 milyong reward ay inialok ng isang concerned citizen  na tumangging magpabanggit ng pangalan habang ang karagdagang P500,000 ay mula sa pamahalaang lungsod ng Malolos na nais mabigyan ng hustisya ang pamamaslang kay Nieves.

Si Nieves, 63, hukom ng Malolos City Regional Trial Court (RTC) Branch 84 at residente ng San Francisco Homes, Quezon City ang nag-convict at nagsentensya ng 20 taong pagkabilanggo sa isang Raymund Dominguez, isa sa mga pinaghihinalaang lider ng notoryus na carjacking syndicate na nag-o-operate sa Metro Manila at Central Luzon at kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.

Ang grupo ni Dominguez ang responsable umano sa pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista na sinunog pa ang bangkay noong Enero 2011.

Bumuo na ang PNP ng Special Investigation Task Group (SITG) upang resolbahin ang  pagpatay kay  Nieves na in-ambush sa kahabaan ng MacArthur highway sa kahabaan ng Brgy. Ticay, Malolos City dakong alas–5 ng hapon kamakalawa.

Nabatid na habang minamaneho ni Nieves ang kanyang Toyota Fortuner (UOC 273) pauwi na sa kanilang tahanan nang biglang mag-stop ang signal light sanhi upang mapatigil at dito na lumapit ang isang Toyota Innova sa kaliwang bahagi habang ang isa pang motorsiklo sa kabilang panig ng Fortuner at mabilis na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima.

Nagtamo si Nieves ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siyang agarang ikinamatay nito.

 Kabilang sa sinisilip ng mga awtoridad ang anggulo sa mga kontrobersyal na kasong hinawakan ng hukom na posibleng naging motibo sa krimen.

Show comments