MANILA, Philippines – Umaabot sa P6.7M halaga ng mga cash at tseke ang natangay ng hindi pa nakilalang mga armadong holdaper sa naganap na robbery /holdup sa sangay ng United Coconut Planters Bank (UCPB) sa Surigao City, Surigao del Norte kamakalawa .
Ayon kay CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba, bandang alas-9:30 ng umaga ng maganap ang panghoholdap sa sangay ng UCPB sa kahabaan ng San Nicolas-Diez Streets, Brgy. Taft ng lungsod na ito.
Kabubukas lamang ng bangko ng dumating ang mga suspek na lulan ng dalawang kulay itim na XRM na motorsiklo at dinisarmahan ang security guard ng bangko na si Efren Doquilla habang ang isa pa ay inatake naman ang isa pang security guard na si Lancelot Balaba na nasa loob ng bangko na tumagal lamang ng ilang minuto.
Kabilang sa natangay ng mga suspek ay P 4.4 M cash at P2.3 M tseke o kabuuang P 6.7 M habang bukod dito ay nilimas din ang pera at cellphone ng mga depositor ng bangko.