Utol ng Abu sub-kumander kritikal

MANILA, Philippines – Isang kapatid ng notor­yus na Abu Sayyaf Group sub-commander ang malubhang nasugatan makaraang makasagupa ang tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Barangay Liang sa bayan ng Patikul, Sulu kahapon ng tanghali.

Kinilala ni Joint Task Group Sulu Commander Brig. Gen. Alan Arrojado ang nasugatang terorista na si Ben Saudi, tauhan ni Commander Ajang–Ajang na kaalyado ng Abu Sayyaf na sangkot din sa illegal na aktibidades.

Base sa tala, si Ben Saudi ay kapatid ni Aljin Jaelan Mundok alyas Ninok Saparri, isa sa mga sub-commander ng Abu Sayyaf na sangkot sa kidnapping for ransom.

May nakabimbin ding warrant of arrest si Ben Saudi kaugnay ng pagkakasangkot nito sa pagdukot sa mag-asawang Aleman na sina Vic­tor Okonek at Herike Diesen noong 2014 sa Palawan na ang mga bihag ay itinago sa Sulu.

Maging ang pagdukot sa Tsinoy trader na si Yahong Chien sa Basilan noong 2014.

Nabatid na nagsasagawa ng special operations ang tropa ng militar nang masabat ang grupo ni Ajang-Ajang.

Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad laban sa grupo ng mga Abu Sayyaf Group na may hawak sa nalalabi pang bihag sa Sulu.

Show comments