CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines – Patay ang isang lalaki na hinihinalang gang leader nang maka-engkwentro ng pulisya sa Brgy Magliman. San Fernando City noong Huwebes ng madaling-araw.
Sa report ni P/Supt Jean Fajardo, hepe ng San Fernando PNP sa tanggapan ni P/SUPT Rudy Lacadin PNP Regional Director, kinilala ang suspek na si Mark David alyas Macmac, ng Brgy. San Isidro, nasabing lungsod.
Dakong alas-4:00 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang pulisya at poseur buyer. Habang nakatayo sa madilim na bahagi ang suspek kasama ang isa pang lalaki nang makatunog sa mga operatiba. Bumunot umano ng baril ang suspek subalit pinaputukan agad ng mga pulis hanggang sa magkapalitan ng putok na ikinabulagta ng isa. Nakatakas naman ang isang suspek.
Sangkot umano ang napatay sa mga serye ng holdapan at pagnanakaw ng mga motorsiklo at pagtutulak ng droga na nag-o-operate sa mga kalapit na bayan sa lalawigan ng Pampanga.
Narekober ng SOCO sa lugar ang isang cal .38 pistol, tatlong bala, apat na empty shell ng cal .9mm, kasama sa pag-iingat nito ang dalawang medium plastic heat sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.