P4-B ransom sa 4 hostages hingi ng Abu
MANILA, Philippines – Nagbanta kahapon ang mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) na papatayin ang apat na Samal hostages kabilang ang dalawang Canadian at isang Norwegian kapag hindi naibigay ang US$100 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng mga bihag.
Sa 90 second clip video ng SITE Intelligence Group international, ipinakita ang mga kidnaper na nakatayo habang nakatutok ang machete sa leeg ng mga biktimang sina John Ridsdel, Robert Hall, kapwa Canadian; nobyang Pinay ni Hall na si Maritess Flor at ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstand.
“We’re being ransomed for each for one billion pesos. I appeal to the Canadian Prime Minister and the people of Canada, please pay this ransom as soon as possible or our lives are in great danger,” pahayag ni Ridsdel na bakas ang matinding trauma at pagmamakaawa sa kanilang buhay.
“I’m a Canadian citizen. I’m being held hostage by Abu Sayyaf for 1-billion pesos,” he said. “These people are serious and very treacherous. Take them seriously. Help us, get us out of here,” ayon naman kay Hall.
Sa likod ng mga kidnaper ay nakataas naman ang bandila ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at ng mga Levant habang sumisigaw ng Alahuh Akbar, ang battle cry ng mga terorista.
Ang apat ay dinukot matapos salakayin ang Holiday Oceanview Resort na pag-aari ni Sekkingstad sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte noong Setyembre 21, 2015.
Samantala, nanindigan naman ang PNP na paiiralin ng pamahalaan ang ‘no ransom policy’ sa gitna na rin ng paglabas ng panibagong video.
“Wala sa polisiya ng gobyerno na makipagnegosasyon sa mga kidnaper,” pahayag ni PNP spokesman P/Chief Supt. Wilben Mayor
Tumanggi naman ang AFP na magkomento sa nasabing paghingi ng ransom habang patuloy ang operasyon upang masagip ang mga bihag.
- Latest