BULACAN, Philippines – Humabol sa undas ang 31-anyos na mister habang kritikal naman ang backrider nito matapos na sumalpok ang kanilang motorsiklo sa pampasaherong jeepney sa Barangay Saluysoy, Meycauayan City, Bulacan kahapon ng madaling araw. Hindi umabot ng buhay sa Santa Clara de Montefalco Hospital ang biktimang si Leonel Magbitang ng Brgy.Tinejeros, Malabon City habang dinala naman sa Philippine Orthopedic Hospital si Adrian Villalon, 18, ng Brgy. Santolan, Malabon City. Sumuko sa pulisya ang drayber ng jeepney na si Joey Garces, 29, ng Brgy. Parada sa bayan ng Santa Maria, Bulacan. Sa ulat ni SPO1 Willie Tadeo, nag-overtake ang motorsiklo ng mga biktima sa sinusundang sasakyan sa McArthur Highway nang makasalpukan ang kasalubong na jeepney (CWV 699) ni Garces.