Koreanong dinukot, patay na

MANILA, Philippines – Namatay na ang 70-anyos na Koreano na kinidnap ng mga teroristang Abu Sayyaf Group matapos itong matagpuan sa bahagi ng Sulu State College sa capitol complex, Barangay Bangkal sa bayan ng Patikul, Sulu, kamakalawa ng gabi.

Agad namang dinala ang bangkay ni Nwi Seong Hong sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Barangay Busbus sa bayan ng Jolo para sa post-mortem examination.  Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na namatay ang biktima sa taglay nitong sakit habang bihag ng ASG at nang mamatay ay dinala sa nasabing lugar.

Base sa record, si Hong at anak nito ay dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Poblacion noong Enero 24, 2015.

Gayon pa man, nakatakas ang anak ni Hong matapos itong manlaban sa pangkat nina Idang Susukan at Anga Adji habang naiwan naman ang kanyang ama.

Samantala, negatibo naman sa tama ng bala ng baril ang Koreano kung saan base sa intelligence report ng PNP na maysakit ang biktima matapos na ma-monitor na bumili ng gamot ang ASG para sa matanda.

 

Show comments