MANILA, Philippines – Masaklap na kamatayan ang sinapit ng dalawang dalagita makaraang gilitan ng adik na tiyuhin bago nag-suicide ang huli sa Barangay Napo, Carcar City, Cebu noong Lunes ng gabi.
Kinilala ang magkapatid na sina Charmaine Mangyao, 16; at Rosalyn Mangyao, 11, habang nag-suicide naman ang suspek na si Domingo Mangyao matapos gilitan ang sarili.
Samantala, masuwerte namang nakaligtas ang dalawa pang nakababatang kapatid na kapwa 4-anyos matapos makapagtago.
Sa ulat ng Cebu PNP na isinumite sa Camp Crame, naitala ang krimen sa bahay ng pamilya Mangyao sa nasabing barangay bandang alas-10 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, mahimbing na natutulog ang magkapatid nang pasukin ng kanilang tiyuhin na kapatid ng kanilang amang si Ranulfo Mangyao kung saan walang awang magkakasunod na pinagtataga bago gilitan.
Matapos patayin ang mag-utol ay nagpatiwakal din ang tiyuhin matapos na laslasin ang kaniyang leeg gamit ang itak.
Nabatid na ang suspek ay may dating kaso ng pangho-hostage at illegal possession of firearms.