NORTH COTABATO, Philippines – Isinailalim na sa monitoring ng city veterinary office ang mga babuyan at manukan sa Koronadal City, South Cotabato sa sinasabing epekto ng lethal haze mula sa forest fire ng Indonesia. Inihayag ni City Veterinary Officer Dr. Charlemagne Calo, nakarating na sa kanila ang ulat na may alagang baboy ang nagkakasakit dahil sa haze na bumabalot sa ilang bayan sa Southern Mindanao. Sa ngayon, nagsasagawa na ng surveillance ang kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan sa kalagayan ng mga alagang hayop sa nasabing lungsod dahil maliban sa baboy apektado rin ang mga poultry farm. Nabatid na karamihang mga alagang baboy ay magkakasabay na umuubo dahil sa nararanasang haze na pinaniniwalaang malaking epekto sa paglaki ng mga ito.